Total Pageviews

Sunday, March 31, 2019

MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA PARA SA IKA-120 TAONG ANIBERSARYO NG LABANAN SA MALINTA


MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA
PARA SA IKA-120 TAONG ANIBERSARYO NG LABANAN SA MALINTA
26 Marso 2019


Unang Gantimpala                           
“Ikatlong Daang Yarda”
Nikki Mae M. Recto
Barangay Arkong Bato

Ikalawang Gantimpala                     
“Maraming Linta sa Malinta”
Mark Anthony S. Salvador
Barangay Lingunan

Ikatlong Gantimpala                       
“Berso ng Labanan sa Malinta”
Leo Arca Tolentino
Barangay Balangkas


Mga Hurado:                                        
Jerry Gracio
Rogerick Fernandez
Jonathan Balsamo



UNANG GANTIMPALA

IKATLONG DAANG YARDA
Nikki Mae M. Recto

“They waited until our troops were within 300 yards of them, and then the seemingly deserted trenches belched forth a deadly fire.”
—Alden March, The history and conquest of the Philippines and our other island possessions; embracing our war with the Filipinos in 1899


1.    Dilat ang mata mong
bilad sa hapdi
ng katanghalian.
Ganid ang mga yabag
ng banyagang paa
na umaalingawngaw
sa di kalayuan.
Maingat na maingat
mong itutulak sa tiyan
ang kabang lumalambitin
sa lalamunan.
Estatwa kang maybala
at granada sa bulsa.
Hinihimas ang gatilyo
ng daliring kabisado
ang ahon at angat
ng kurba.

2.    Mula rito hanggang sa martsa
ng hukbo ng kawatan,
Pitong bandilang
tig-pitumpu’t limang yarda
ang namamagitan.

Tatapak sila sa ika-apat.Iigting ang iyong panga.
Magiging bukal ng apoy at bala
Ang kaninang humihilik na mga kuta.

3.    Inapula
ng dugong tumalsik
mula sa nagbagsakang katawan
ang lagablab ng bakbakan.
Bago mo isalba
ang warak mong kalamnan,
ititikom mo muna
ang dilat na mata ng kaibigan.



IKALAWANG GANTIMPALA

MARAMING LINTA SA MALINTA
Mark Anthony S. Salvador


Sang-ayon sa kuwento
umiinom sa maliit na batis
ang mga uhaw na Kanong sundalo.
Itinanong nila sa papalapit na babae
ang ngalan ng lugar. May linta!
May linta! aniya, nang makita
ang mga lintang malapit sa mga Kano,
at tumakbo siyang palayo.
Iyon ang sagot, sa pag-aakala ng mga naiwan.
At nagingMalinta ang ngalan ng lugar.

Nasa kanila ang malalakas na armas,
ngunit ang mga Pilipino
ang nakakikilala sa lunan ng digmaan,
huni ng mga ibon, alinsangan ng panahon.
Tinalunton nila ang daang bakal,
sapagkat hindi nga kilala ang lunan
mahalaga sa kanila ang gabay.
Ngunit hindi sila malay
na sa pader ng simbahan
tahimik na naghihintay ang kalaban,
kasingtahimik ng simbahan
kung walang pananambahan,
kasimpayapa ng daang bakal
kung walang treng dumaraan.
Hinintay ng mga Pilipinong sundalo
na lumapit ang mga Amerikano.
Mahalaga ang sining ng paghihintay,
pagpapasensiya. Baka masayang ang mga bala.
At doon nga, saksi ang Simbahan ng Malinta,
niratrat ang mga Kano, isa-isang bumulagta.
Isa sa mga tumumba, ang koronel nila,
naging pataba ang dugo niya
sa lupang kalaunan ay magiging Valenzuela.
Nahati ang mga Pilipino sa ilang grupo
at sabay-sabay tumakbo.
Papaano huhulihin ang mga insekto—
o ang kaparis ng mga Indiano?

Ganito nagkamaling muli ang mga Kano.
Umiinom nang tahimik,
hindi batid na kay raming linta sa paligid.

Maraming linta sa Malinta.
Maraming linta sa buong bansa.




IKATLONG GANTIMPALA

BERSO NG LABANAN SA MALINTA
Leo A. Tolentino

Setyembre katorse, petsa ng paglipat,
Pangulong nag-utos, siyang di naglikat,
Nasentro sa Bulacan, gobyernong matapat,
Rebolusyonaryo, sa tapang ay sapat.

Sa mismong kumbento, parokyang San Diego,
Nahimpil nagpuno, Heneral Antonio,
Director de Guerra, tungkuling tinamo,
Tagapagtanggol nga, kontra Amerkano.

Sa unang tunggali, Maynila’y naabo,
Ang katabing lungsod, sunod na nagupo,
Apatnapung kawal, dagdag ay walumpo,
Sugata’t napatay, nagahis na puno.

Komandante Jose, nanguna sa laban,
Mula sa umaga, matinding bakbakan,
Pagdaloy ng dugo, sa sugatang laman,
Sa hapon ay sawi, lungsod Caloocan.

Dahil sa ang Polo, nakapagitan nga,
Lokasyon sa mapa, tanging naiiba,
Muog at tanggulan, sa kaawa’y banta,
Harang at depensa, sa nakikidigma.

Nagmula sa Polo, tropang Pilipino,
Heneral na Luna, lumabang totoo,
Pag-atake’t sugod, tapang ng ginoo,
Hangad ay harangan, ang mga mestiso.

At nang mabihag na, Lungsod ng Maynila,
Plano na pagbawi, ikinasa na nga,
Iniorganisa, ay tatlong brigada,
Hukbo na lalaban, nanguna’y si Luna.

Kanlurang brigada’y, batalyong Garcia,
Grupo namang Hizo’y, Silangan ang ruta,
Brigada sa Sentral, ang sa kay Llanera,
Posisyo’y Tullahan, pati na Malinta.

Himpila’y Tinjeros, Malabon sa dulo,
Sa ilog Marulas, sa Marquina-Polo,
Pati Pasong Dulas, Quegrande ang pwesto,
Abante’t atake, ng rebolusyunaryo.

Ang Sitio ng Tanque, dugtong sa Malabon,
Sentro ng Malinta, sa unang panahon,
Hangad mapabagsak, ng sundalo noon,
Kaya may trinsera, na patibong doon.

Sa Tanque lumapit, rebolber ang dala,
Lugar na lunsaran, digmaan ng bala,
Ang putok ng kanyon, babala ni Luna,
Taas, pagwasiwas, sa bandilang sinta.

At mula nga dito, natanaw ang apoy,
Lagablab ng amok, labanang nagtaboy,
Sa mga dayuhang, mistulang palaboy,                         
Nagapi’t umatras, pagsuko ang taghoy.

Subalit sa atas, ng di pag-unawa,
Pulutong ni Canlas, iniwang nag-iisa,
Kawal sa Binondo, bumagsak, nakuha,
Nagapi ang sektor, pati ang sa iba.

Sa layon ni Lunang, lahat pag-isahin,
Bagama’t may tutol, sa taktikang hain,
Sumunod sa utos, ng punong magaling,
Hukbong Pilipino, sa diwa’y pandayin.

Sa lahat ng tagpo, ng madugong saysay,
Dangal ng heneral, nanatiling buhay,
Kanlungang uwian, pag pagal na tunay,
Himpilan sa Polo, tinuring n’yang bahay. 

Habang mahina nga, hukbong kayumanggi,
Inilatag ni Hale, ang planong gagapi,
Harangin ang tropa, sa daang pinili,
Upang ang ugnayan, maputol ang tali.

Habang binabaybay, riles ng Tinjeros,
Nag-aabang naman, sundalong pupulbos,
Sa simbahang kubli, at bala’y di tagos,
Kawal sa Malinta’y, atakeng panapos.

Sa umulang punlo, nabigla’y batalyon,
Bumagsak naamis, impanteryang nandon,
Koronel na bantay, sa takot nalulong,
Sugata’t namatay, Amerkanong kampon.

Ngunit nasakop din, kampo ng Malinta,
At mga sundalo’y, tumakas nawala,
Bigat man ang loob, adhika’y pambansa,
Kalayaa’t pag-asa, hangad na paglaya.

Noo’y Marso bente singko naitala,
Labingwalo siyamnapu at siyam nga,
Kinubkob, nasakop ang bayang naaba,
Puwersang dayuhan sa kampo-Malinta.

Nang sunod na araw bagsik nag-ibayo,
Nilusob inangkin ang bayan ng Polo,
Kabaya’t kalahi dumanak ang dugo,
Nagahis, nalupig ang mga sundalo.

Heneral na bunyi doo’y nakastigo,
Tuluyang bumagsak, militar na kampo,
Na sentro ng lakas, tropang Pilipino,
Ito ang nasulat, kasaysayan ng Polo.

Sa bersong nilahad, lundo ng salaysay,
Di maitatangging, may tampok na bagay,
Sa lugar na banggit, ay bayaning tunay,
Mga taong-bayan, nagbuwis ng buhay.

Kaya kung ikaw po’y, Valenzuelano,
Tandaang sa dugo, tatak na totoo,
Na kabayanihan, talagang nasa’yo,
Anumang panahon, marangal, tas-noo.





No comments:

Post a Comment

Lutong Polo: Bulig na Sinigang sa Bayabas

Bulig na Sinigang sa Bayabas Angelo C. De Guzman * *Nagwagi ng Unang Puwesto sa  2016 Valenzuela Culinary Heritage Food Writing...