Total Pageviews

Friday, April 5, 2019

Lutong Polo: Bulig na Sinigang sa Bayabas



Bulig na Sinigang sa Bayabas
Angelo C. De Guzman

**Nagwagi ng Unang Puwesto sa 2016 Valenzuela Culinary Heritage Food Writing Contest.


Ang aking ama ay mula sa angkan ng magsasaka na tubong baryo ng Parada (dating parte ng Pugad Baboy na ngayon ay Barangay Hen. T. de Leon) sa nuo’y bayan ng Polo, Bulakan na sa kasalukuyan ay ang Lungsod ng Valenzuela.

Ang pamilya ng siyam na magkapatid ay lumaki sa pagsasaka ng bukid sa Parada at sa pagtatanim ng sari-saring gulay at prutas sa tinatawag na bakood. Nagbiro ang aking ina na ang bakuran ay hitik sa mga tanim na makikita sa kantang “Bahay Kubo”. Mayroon ding mga prutas, tulad ng bayabas, suha, sinigwelas, sampalok, santol, mangga, balubad, makopa, kalamansi, langka, duhat, guyabano, papaya, saging, dayap, balimbing at kamatsile na dahilan kung bakit ang kanilang pamilya ay naghahanda ng mga lutuin na maraming sahog na gulay at prutas. At marahil sa dahilang ang pamilya nuon ay palaging maraming mga anak at apo na kasahog sa pagkain. Kaya ang yaman ng bukid at bakood ang pinagkukunan ng kanilang kakainin at ikabubuhay (itinitinda ang sobra nila).

Sa bukid, sapa, ilog at bakood din kumukuha ng sangkap kasama ng gulay at prutas. Nandyan ang manok Tagalog (na pinagkukunan din ng itlog), baboy , kambing (na maaari ring gatasan), palakang tagalog, kuhol/suso/talimusak/dalag o bulig/hito/hipon at marami pang iba. Kung wala sa bakood o sa sapa sa tabi ng bakuran ng aking lolo ay maaaring humingi sa kapitbahay nila. Hindi bumibili ng sangkap ang mga magbubukid nuon, maliban sa ibang pampalasa. Mayaman sa pagkain ang bukid at bakood!

Mayroon din daw silang kalabaw. Hindi ko naranasan ang sumakay sa kalabaw at kareta na hila ng kalabaw, subalit nakikita ko sa aking imahinasyon ang saya ng kabataan ng aking ama at ina pag sila’y nagkukuwento ng kanilang mga karanasan. Ang ugoy ng kareta habang sila ay nakahiga sa ibabaw ng dayami pagkatapos ng gapasan. Naglalaro sa aking isipan ang sinasabi nilang sarap ng simoy ng natuyong dayami habang nagpapadausdos sila mula sa itaas ng bunton nito.

Ang kalabaw ay gamit din sa pag-aararo at pagsusuyod sa bukid bilang handa sa pagpupunla at pagtatanim ng palay na ginaganap tuwing sumasapit ang tag-ulan. Sa pagkasalaysay sa akin ng aking ama ay may tatlo silang kalabaw: isang kalakian, isang inahin at isang bulo. Kapag kinakailangan ang gatas ng kalabaw ay may agarang nagagatasan. Ang gatas ng kalabaw ay pang-sabaw sa mainit na sinaing na binubudburan ng konting asin. Ang isa sa mga ulam ay inihaw na dalag o bulig na may katambal na mainit na kapeng gawa sa binusang bigas at ang pampatamis ay kapirasong panutsa. Iyan ang isa putahe ng agahan ng kanilang pamilya nuon.

Ang dalag na kadalasang nahuhuli sa bukid na nagpuputik dahil sa lakas ng buhos ng ulan, laluna bago magsuyod, ay ang nagiging sahog sa pagluluto sa lutuing-bukid na kalakip sa napakaraming putahe ng mga magsasaka. Maraming ginagawang paraan ng pagluluto sa dalag. Isa na nga rito ang ikinwento sa akin ng aking ina na nasaksihan niya ang pagluluto.

Ang ulam nila laluna sa panahon ng taniman ay laging may mainit na sabaw, para laging mainitan ang sikmura ng mga magsasaka na maghapon ay nakababad sa ulan, mula sa pagsusuyod, pag-aararo, pagpupunla, pagtatanim. Ayon sa mga magsasaka, ang asim na sangkap sa sinigang ay nagbibigay ng init at ibayong lakas sa katawan nila para tumagal sila sa paggawa sa bukid. Ibinabahog ang sabaw sa mainit na sinaing na umuusok sa pagkasandok mula sa palayok. Ang naabutan ko nang sangkap na pampaasim sa sinigang ay sampalok. Subalit sa kwento ng aking ina, isa sa paborito ng aking ama ay ang sinigang sa bayabas. Maraming isda ang maaring gawing sangkap sa pagluluto nito subalit dahil may kakaibang paraan ang pagluluto, ay pinili ko ang bulig para ihalo sa sinigang na bayabas.

Mga sahog:

Bulig (ang bilang ay depende sa dami ng nais iluto)
Hinog na bayabas na pula ang laman (ang dami ay depende sa asim at lasa ng bayabas na nais)
2-3 sibuyas na katamtaman ang laki (depende sa dami ng isisigang)
2-3 hinog na kamatis na may katamtaman ang laki (depende sa dami ng isisigang)
Asin (panimpla)
Patis (pandagdag ng lasa)
Gulay (depende sa dami na gusto ng nagluluto): Sitaw, kangkong, talbos ng kamots, okra, bataw, sigarilyas, talong

Paraan ng pagluluto:

1.    Lilinisan ang bulig nang mabuti. Huhugasan para mawala ang putik at laway nito. Sa may leeg ay hihiwaan ng maliit at dudukutin ang hasang, bituka at apdo. Pag malinis na ay tuhugin ng maliit na kawayan mula sa bibig ng bulig hanggang sab ago magbuntot. Itatabi kung ilan man ang bilang ng isda na nais isahog.

2.    Magpapabaga ng uling at pag nagbabaga na’y tatayantangin o isasalab ang balat ng bulig hanggang sa Makita nang umaangat ang balat mula sa laman ng isda. Hanguin ang isda mula sa ihawan. Aalisin ang balat at muling isasalang sa baga hanggang maluto ang laman nito. Itabi.

3.    Hugasan ang mga sangkap na bayabas, kamatis, at mga gulay na isasahog.

4.    Alisin ang korona ng bayabas, hiwain sa dalawang parte, itabi.

5.    Hiwain ang sibuyas sa apat na parte, gayundin ang kamatis.

6.    Depende sa dami ng sabaw at lasa na nais, ang dami ng tubig at bayabas na isasahog. Itambog sa tubig ang bayabas, timpalahan ng asin at patis ayon sa panlasa. Pakuluan ng 5 minuto. Kapag medyo malambot na ang bayabas at lumalasa na sa tubig ang bayabas, ilagay ang sibuyas at kamatis, takpan ang palayok at muling lutuin. Pagkaraan ng 3 minuto ay hanguin ang bayabas, itabi. Alisan ng takip ang palayok, ilagay at lutuin ang mga gulay ayon sa kung gaano sila kabilis maluto. Unahin ang okra, bataw at sitaw. Takpan ang palayok. Pagkaraan ng 5 minuto at sa pamamagitan ng pagtusok sa kanila ay matitiyak na luto na ang mga ito. Hanguin ang gulay at itabi sa isang lalagyan para hindi masobrahan ang luto. Isunod ang talbos ng kamote at kangkong, at pag halos lanta na ay hanguin.

7.    Ilagay ng sumandali sa sabaw ng bayabas ang sinalab na bulig para sumanib ang lasa ng sabaw sa isda. Tikman at timplahan ng asin o patis para sa dagdag na lasa. Pagkaraan ay maari nang hanguin ang isda mula sa sabaw.

8.    Maaaring maghanda ng sawsawan na asing sinabawa ng sabaw ng bayabas o kaya ay patis. Maaaring haluan ng siling labuyo kung nais ng maanghang o hindi na.

9.    Maaari nang ilagay sa isang malaking mangkok na kakasya ang sabaw, bayabas at mga gulay. Ilagay sa ibabaw ang bulig para sa maayos na paghahain ng ating “Bulig na Sinigang sa Bayabas!”

Nawa’y maibigan ninyo ang putahe na paborito ng aking amang si Mayor Santy S.A. De Guzman! Masagang pananghalian sa inyong lahat!


Sunday, March 31, 2019

MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA PARA SA IKA-120 TAONG ANIBERSARYO NG LABANAN SA MALINTA


MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA
PARA SA IKA-120 TAONG ANIBERSARYO NG LABANAN SA MALINTA
26 Marso 2019


Unang Gantimpala                           
“Ikatlong Daang Yarda”
Nikki Mae M. Recto
Barangay Arkong Bato

Ikalawang Gantimpala                     
“Maraming Linta sa Malinta”
Mark Anthony S. Salvador
Barangay Lingunan

Ikatlong Gantimpala                       
“Berso ng Labanan sa Malinta”
Leo Arca Tolentino
Barangay Balangkas


Mga Hurado:                                        
Jerry Gracio
Rogerick Fernandez
Jonathan Balsamo



UNANG GANTIMPALA

IKATLONG DAANG YARDA
Nikki Mae M. Recto

“They waited until our troops were within 300 yards of them, and then the seemingly deserted trenches belched forth a deadly fire.”
—Alden March, The history and conquest of the Philippines and our other island possessions; embracing our war with the Filipinos in 1899


1.    Dilat ang mata mong
bilad sa hapdi
ng katanghalian.
Ganid ang mga yabag
ng banyagang paa
na umaalingawngaw
sa di kalayuan.
Maingat na maingat
mong itutulak sa tiyan
ang kabang lumalambitin
sa lalamunan.
Estatwa kang maybala
at granada sa bulsa.
Hinihimas ang gatilyo
ng daliring kabisado
ang ahon at angat
ng kurba.

2.    Mula rito hanggang sa martsa
ng hukbo ng kawatan,
Pitong bandilang
tig-pitumpu’t limang yarda
ang namamagitan.

Tatapak sila sa ika-apat.Iigting ang iyong panga.
Magiging bukal ng apoy at bala
Ang kaninang humihilik na mga kuta.

3.    Inapula
ng dugong tumalsik
mula sa nagbagsakang katawan
ang lagablab ng bakbakan.
Bago mo isalba
ang warak mong kalamnan,
ititikom mo muna
ang dilat na mata ng kaibigan.



IKALAWANG GANTIMPALA

MARAMING LINTA SA MALINTA
Mark Anthony S. Salvador


Sang-ayon sa kuwento
umiinom sa maliit na batis
ang mga uhaw na Kanong sundalo.
Itinanong nila sa papalapit na babae
ang ngalan ng lugar. May linta!
May linta! aniya, nang makita
ang mga lintang malapit sa mga Kano,
at tumakbo siyang palayo.
Iyon ang sagot, sa pag-aakala ng mga naiwan.
At nagingMalinta ang ngalan ng lugar.

Nasa kanila ang malalakas na armas,
ngunit ang mga Pilipino
ang nakakikilala sa lunan ng digmaan,
huni ng mga ibon, alinsangan ng panahon.
Tinalunton nila ang daang bakal,
sapagkat hindi nga kilala ang lunan
mahalaga sa kanila ang gabay.
Ngunit hindi sila malay
na sa pader ng simbahan
tahimik na naghihintay ang kalaban,
kasingtahimik ng simbahan
kung walang pananambahan,
kasimpayapa ng daang bakal
kung walang treng dumaraan.
Hinintay ng mga Pilipinong sundalo
na lumapit ang mga Amerikano.
Mahalaga ang sining ng paghihintay,
pagpapasensiya. Baka masayang ang mga bala.
At doon nga, saksi ang Simbahan ng Malinta,
niratrat ang mga Kano, isa-isang bumulagta.
Isa sa mga tumumba, ang koronel nila,
naging pataba ang dugo niya
sa lupang kalaunan ay magiging Valenzuela.
Nahati ang mga Pilipino sa ilang grupo
at sabay-sabay tumakbo.
Papaano huhulihin ang mga insekto—
o ang kaparis ng mga Indiano?

Ganito nagkamaling muli ang mga Kano.
Umiinom nang tahimik,
hindi batid na kay raming linta sa paligid.

Maraming linta sa Malinta.
Maraming linta sa buong bansa.




IKATLONG GANTIMPALA

BERSO NG LABANAN SA MALINTA
Leo A. Tolentino

Setyembre katorse, petsa ng paglipat,
Pangulong nag-utos, siyang di naglikat,
Nasentro sa Bulacan, gobyernong matapat,
Rebolusyonaryo, sa tapang ay sapat.

Sa mismong kumbento, parokyang San Diego,
Nahimpil nagpuno, Heneral Antonio,
Director de Guerra, tungkuling tinamo,
Tagapagtanggol nga, kontra Amerkano.

Sa unang tunggali, Maynila’y naabo,
Ang katabing lungsod, sunod na nagupo,
Apatnapung kawal, dagdag ay walumpo,
Sugata’t napatay, nagahis na puno.

Komandante Jose, nanguna sa laban,
Mula sa umaga, matinding bakbakan,
Pagdaloy ng dugo, sa sugatang laman,
Sa hapon ay sawi, lungsod Caloocan.

Dahil sa ang Polo, nakapagitan nga,
Lokasyon sa mapa, tanging naiiba,
Muog at tanggulan, sa kaawa’y banta,
Harang at depensa, sa nakikidigma.

Nagmula sa Polo, tropang Pilipino,
Heneral na Luna, lumabang totoo,
Pag-atake’t sugod, tapang ng ginoo,
Hangad ay harangan, ang mga mestiso.

At nang mabihag na, Lungsod ng Maynila,
Plano na pagbawi, ikinasa na nga,
Iniorganisa, ay tatlong brigada,
Hukbo na lalaban, nanguna’y si Luna.

Kanlurang brigada’y, batalyong Garcia,
Grupo namang Hizo’y, Silangan ang ruta,
Brigada sa Sentral, ang sa kay Llanera,
Posisyo’y Tullahan, pati na Malinta.

Himpila’y Tinjeros, Malabon sa dulo,
Sa ilog Marulas, sa Marquina-Polo,
Pati Pasong Dulas, Quegrande ang pwesto,
Abante’t atake, ng rebolusyunaryo.

Ang Sitio ng Tanque, dugtong sa Malabon,
Sentro ng Malinta, sa unang panahon,
Hangad mapabagsak, ng sundalo noon,
Kaya may trinsera, na patibong doon.

Sa Tanque lumapit, rebolber ang dala,
Lugar na lunsaran, digmaan ng bala,
Ang putok ng kanyon, babala ni Luna,
Taas, pagwasiwas, sa bandilang sinta.

At mula nga dito, natanaw ang apoy,
Lagablab ng amok, labanang nagtaboy,
Sa mga dayuhang, mistulang palaboy,                         
Nagapi’t umatras, pagsuko ang taghoy.

Subalit sa atas, ng di pag-unawa,
Pulutong ni Canlas, iniwang nag-iisa,
Kawal sa Binondo, bumagsak, nakuha,
Nagapi ang sektor, pati ang sa iba.

Sa layon ni Lunang, lahat pag-isahin,
Bagama’t may tutol, sa taktikang hain,
Sumunod sa utos, ng punong magaling,
Hukbong Pilipino, sa diwa’y pandayin.

Sa lahat ng tagpo, ng madugong saysay,
Dangal ng heneral, nanatiling buhay,
Kanlungang uwian, pag pagal na tunay,
Himpilan sa Polo, tinuring n’yang bahay. 

Habang mahina nga, hukbong kayumanggi,
Inilatag ni Hale, ang planong gagapi,
Harangin ang tropa, sa daang pinili,
Upang ang ugnayan, maputol ang tali.

Habang binabaybay, riles ng Tinjeros,
Nag-aabang naman, sundalong pupulbos,
Sa simbahang kubli, at bala’y di tagos,
Kawal sa Malinta’y, atakeng panapos.

Sa umulang punlo, nabigla’y batalyon,
Bumagsak naamis, impanteryang nandon,
Koronel na bantay, sa takot nalulong,
Sugata’t namatay, Amerkanong kampon.

Ngunit nasakop din, kampo ng Malinta,
At mga sundalo’y, tumakas nawala,
Bigat man ang loob, adhika’y pambansa,
Kalayaa’t pag-asa, hangad na paglaya.

Noo’y Marso bente singko naitala,
Labingwalo siyamnapu at siyam nga,
Kinubkob, nasakop ang bayang naaba,
Puwersang dayuhan sa kampo-Malinta.

Nang sunod na araw bagsik nag-ibayo,
Nilusob inangkin ang bayan ng Polo,
Kabaya’t kalahi dumanak ang dugo,
Nagahis, nalupig ang mga sundalo.

Heneral na bunyi doo’y nakastigo,
Tuluyang bumagsak, militar na kampo,
Na sentro ng lakas, tropang Pilipino,
Ito ang nasulat, kasaysayan ng Polo.

Sa bersong nilahad, lundo ng salaysay,
Di maitatangging, may tampok na bagay,
Sa lugar na banggit, ay bayaning tunay,
Mga taong-bayan, nagbuwis ng buhay.

Kaya kung ikaw po’y, Valenzuelano,
Tandaang sa dugo, tatak na totoo,
Na kabayanihan, talagang nasa’yo,
Anumang panahon, marangal, tas-noo.





MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA - AGUINALDO@150



  

MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA
PARA SA IKA-150 TAONG ANIBERSARYO NG 
KAPANGANAKAN NI EMILIO AGUINALDO
22 Marso 2019


Unang Gantimpala                            
“Sa Balkonahe”
J. Dennis Teodosio
Barangay Karuhatan

Ikalawang Gantimpala                      
“Kasukalan”
Mark Anthony S. Salvador
Barangay Lingunan

Ikatlong Gantimpala                       
“pangulo”
Aldriech Salazar       
Barangay Parada

Mga Hurado:                                        
Jerry Gracio
Rogerick Fernandez
Jonathan Balsamo



UNANG GANTIMPALA

Sa balkonahe
J. Dennis Teodosio

Ginto ang silahis ng dapit-hapong
dahan-dahang lumalambong 
sa matandang bahay sa Cavite el Viejo.

Bakas ang sigla at galak
sa tinig at pagbati ng mga dumating
para sa maringal na okasyon.

Mula sa mga binuksang bintana, 
matananaw sila; nagkumpulan, wangis 
pumpon ng maririkit na mga sampaguita.

Mula sa ibaba, tinitingala nila sila.
Pag-asa ang inuluwal ng umiral 
na pagmamasid sa mga kaganapan.

Sandali pa, namayani ang tinig 
na marubdob na bumasa ng
Acta de la Proclamacion de la Independencia 
del Pueblo Filipino atbinuhay 
ang mga salitang inakda 
ng tagapayong pandigma.

Matimong nakinig ang lahat 
sa pagdaloy ng diwa ng kalayaan
mula sa dalawampu’t isang pahinang pahayag. 

Sa saliw ng Marcha Filipina Magdalo,
lumadlad ang bandila nang may pagmamalaki.
Binalik noon ang alaala ng Martsang Dakila
sa Adia ni Giusseppe Verdi—
at La Marseillaise na nagpugay 
sa isang “matandang metropolis.”

Siyamnapu’t walong lagda, kasama
ang isangextranjero,ang nagpatibay 
sa inangking kasarinlan.  

Tanging dangal ang laman ng dibdib 
ng iluluklok na pangulo sa pagtatapos
ng mga kaganapan.  Ni sa hinagap,
hindi niya maiisip na ang republika
ang magiging monumento niya.

Sisigaw at papalakpak ang tanan.
Maisasatitik ang kasaysayan.

Sa susunod na pagsikat ng araw, 
kipkip na ng Inang Bayan, mithing kalayaan.

(Kay Emilio Aguinaldo)



IKALAWANG GANTIMPALA



KASUKALAN
ni Mark Anthony S. Salvador

Anong daling maligaw sa kasukalan,
lalo, Aguinaldo, sa mga dayuhan
na di kilala ang lunan ng digmaan.
Malamang, isa ‘to sa mga dahilan

kaya nagtagumpay ang iyong paraan,
taktikang-gerilya sa pakikilaban,
laban sa mga Kano sa Pangasinan.
Isa lang ‘to sa patunay ng ‘yong tapang,

talino at mga napagtagumpayan.
Ngunit, kay lungkot, bakit ka sinilaban,
waring mangkukulam, nitong kasaysayan?
Sa Bi-ak na Bato, isang kasunduan,

ikinalakal mo raw ang himagsikan.
Kaya ang pag-usig sa ‘yo no’ng halalan,
ng kalabang Quezon ay marapat lamang.
Ang kalahati nga raw ng kabayaran

sa kasunduan, nais mong ibulsa lang.
Kung gayo’y di mangkukulam, kundi aswang,
kumakain ng laman ng kababayan.
Isa pang di namin mapaniwalaan,

na waring magbubunga ng karamdaman,
sa pagpaslang sa dal’wang sulo ng bayan,
si Bonifacio, Ama ng Katipunan,
at si Luna, heneral ng kagitingan,

ikaw nga ba, ang siyang nasa likuran,
nag-utos na sulo’y pagtulungang hipan?
Saka ang iyo namang pamahalaan
laging nalilinlang ng mga dayuhan,


at ng mga elitistang kababayan.
Ngunit, dahil beynte-n’webe anyos ka lang
nang pamunuan ang bagong layang bayan,
bayang tatlong dantaong nilapastangan,

mahalagang tanggapin ang ‘yong kakulangan.
‘Wag sanang ipagdamot sa ‘yo ng bayan.
Sa ganyan mong gulang, napasaatin ang
konstitusyong una sa buong silangan.

Patungkol naman sa iyong katuwiran
na digmang Kano’t Hapo’y di natin laban,
at kulang na sa kakayahang lumaban
itong bayan sa panibagong dayuhan,

bagama’t may kay lungkot sa ‘yong kabuktutan,
kay rami pa ring kaylangang patunayan.
Ba’t ka paratangang nakipagtulungan
sa mga Hapon sa Ikal’wang Digmaan?

At anong pait sa puso’t lalamunan
tinuran ni Mabining ‘yong sanggunian,
na sana raw ay mamatay ka na lamang
sa kalagitnaan ng isang digmaan.

Marahil, dapat laging pakatandaan
ang iyong naging saysay sa kasaysayan.
Bagama’t kay raming naging pagkukulang
kay rami rin namang napagtagumpayan.

Anong daling maligaw sa kasukalan
ng kasaysayan. T’yanak na nanlilinlang
kasalatan sa tanglaw na kaalaman.
Hanggang di na makita, sino’ng kalaban.




IKATLONG GANTIMPALA
  
pangulo
Aldriech Salazar


taksil sa bayan, sabi ng ilan
pinapatay nya daw si luna, hindi natin alam
ang naganap sa biak-na-batong kasunduan
para sa bayan o dahil sa kapangyarihan?

pinapatay ang magkapatid na bonifacio
dahil sa hindi pagkilala sa kanyang gobyerno
nagbuwis din ng buhay ang heneral goyo
para lang sya makatakas at makatago

isang magiting na heneral ng cavitenyo
idineklara ang kalayaan sa ika-dose ng hunyo
una at pinakabatang pangulo
ang ngalan ay emilio aguinaldo

isang bayaning misteryoso
may nakatagong lihim ang kanyang talino
ang kwento ng kasaysayan nyang komplikado
ay ang kanyang pagiging politiko


Lutong Polo: Bulig na Sinigang sa Bayabas

Bulig na Sinigang sa Bayabas Angelo C. De Guzman * *Nagwagi ng Unang Puwesto sa  2016 Valenzuela Culinary Heritage Food Writing...